Ultrasound ng Prostate
Isang uri ng imaging test ang ultrasound. Gumagamit ito ng mga high-frequency na sound wave, hindi radiation, upang gumawa ng mga larawan ng loob ng iyong katawan. Nakikita ang mga imahe sa isang screen ng computer.
Maaaring gamitin ang ultrasound upang tingnan ang prostate gland. Bahagi ang prostate ng sistema ng pag-aanak ng lalaki. Nasa ilalim lamang ang glandulang ito ng pantog at sa harap ng tumbong.

Kailan ginagamit ang ultrasound
Maaaring kailanganin mo ng ultrasound ng prostate (tinatawag ding transrectal ultrasound o TRUS) kung sa palagay ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na maaaring may problema ka sa iyong prostate.
Madalas itong ginagamit para maghanap ng kanser sa prostate. Madalas itong ginagawa kung nakaramdam ang iyong tagapangalaga ng bukol o matigas na lugar sa iyong prostate sa panahon ng isang digital rectal exam (DRE). O maaari itong isagawa kung ipinapakita sa mga pagsusuri ng dugo na mayroon kang mataas o tumataas na lebel ng prostate-specific antigen (PSA). Mga pagsusuri na pag-screen ang mga DRE at PSA test na ginagamit upang tingnan ang kanser sa prostate sa mga lalaking walang sintomas nito.
Maaaring gamitin ang ultrasound ng prostate upang makatulong na malaman kung bakit nagkakaroon ng mga problema sa kakayahang magkaanak ng isang lalaki.
Maaari din itong gamitin upang tingnan kung mas malaki ang prostate kaysa nararapat. Tinatawag itong BPH (benign prostatic hyperplasia). Karaniwan ito sa mga mas nakatatandang lalaki. Maaaring magdulot ang BPH ng mga problema sa pag-ihi at pagkontrol sa ihi. Ngunit hindi ito nakakakanser.
Paano tumutulong ang ultrasound
Gumagamit ng mga sound wave ang ultraosund upang gumawa ng mga imahe ng prostate gland. Tumutulong ito sa iyong tagapangalaga ng kalusugan na tingnan kung normal ang itsura glandula.
Maaari din itong gamitin upang makatulong na gabayan ang isang biopsy. Para sa biopsy, kinukuha ang maliliit na piraso ng tisyu at sinusuri para sa kanser. Ginagawa ang biopsy ng prostate gamit ang isang karayom. Tumutulong ang ultrasound sa iyong tagapangalaga na gabayan ang karayom patungo sa prostate at kumukuha ng kaunti ng nabagong bahagi ng prostate na maaaring kanser.
Kung mayroon kang kanser sa prostate, maaari mong piliin na gamutin ito ng radiation therapy. Maaari itong panlabas o panloob na radiation. Tinatawag ding brachytherapy ang panloob na radiation. Magagamit ang ultrasound para tulungan ang iyong tagapangalaga na makita kung saan eksaktong ididirekta ang radioactive pellets sa prostate.
Bago ang pagsusuri
Maaaring sabihin sa iyo na gumamit ng enema o suppository sa gabi o umaga bago ang ultrasound ng prostate. Para linisin nito ang dumi sa iyong tumbong para mas makita ang prostate.
Kung maaaring gawin ang biopsy, maaaring hilingin sa iyo na ihinto ang pag-inom ng mga gamot na pampanipis ng dugo, tulad ng coumadin o aspirin, sa loob ng 1 linggo o higit pa bago ang pagsusuri. Tumutulong ito na pababain ang panganib ng pagdurugo. Maaari ka ring bigyan ng mga antibiotic bago at pagkatapos ng pagsusuri. Tumutulong ito na maiwasan ang impeksiyon.
Sunding mabuti ang lahat ng tagubilin ng iyong tagapangalaga na ibibigay sa iyo bago ang utrasound.
Sa panahon ng pagsusuri
Ano ang mangyayari habang ginagawa ang ultrasound:
-
Ginagawa ang ultrasound ng isang espesyal na sinanay na technologist na tinatawag na sonographer. Maaaring gawin ang ultrasound sa opisina ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Tumatagal ito nang 15 hanggang 30 minuto.
-
Hihingin sa iyo na magpalit ng damit na pang-ospital. Pagkatapos, hihiga ka nang patagilid na nakabaluktot ang iyong mga tuhod papunta sa iyong dibdib.
-
Ginagawa ang pagsusuri gamit ang isang hand-held ultrasound probe. Inilalagay sa probe ang isang disposable cover. Ang probe ay hugis tubo na rod na halos kasing laki ng daliri. Inilalagay ang gel sa probe upang dumulas (maglangis) ito.
-
Dahan-dahang ipapasok ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang probe sa iyong tumbong. Makakaramadm ka ng puwersa, ngunit kung masakit ito, ipaalam sa iyong tagapangalaga.
-
Ipinadadala ang mga sound wave sa probe at sa pamamagitan ng dingding ng iyong tumbong. Tumatalbog ito sa iyong prostate. Ginagamit ng isang computer ang mga ito upang bumuo ng isang imahe ng glandula at mga kalapit na tisyu.
-
Tinitingnan ng iyong tagapangalaga ang imahe at sinusuri ang laki at hugis ng iyong prostate.
-
Kung nakita ang mga pagbabago sa anumang bahagi ng iyong prostate, maaaring magsagawa ng biopsy. Madalas itong ginagawa ng isang urologist. Upang gawin ito, ipapasok sa iyong balat ang isang napakanipis at walang laman na karayom at patungo sa iyong prostate gland. Pupunuan ng maliliit na piraso ng nabagong lugar ang karayom (isang core) at ilalabas para sa pagsusuri. Maaari kang makaramdam ng pwersa kapag ginawa ito at panandalian lamang na kawalan ng ginhawa. Ngunit kadalasang hindi ito masakit. Maaaring gusto mong itanong sa iyong tagapangalaga kung may mga plano para pamanhidin ang bahagi malapit sa prostate gamit ang lokal na pampamanhid. Ilang sample (kadalasan 12 o higit pa) ang kinokolekta mula sa iba't ibang bahagi ng prostate.
-
Kapag naisagawa na ang pagsusuri, tatanggalin na ang probe.
-
Maaari ka nang umuwi sa parehong araw, at bumalik sa iyong normal na mga aktibidad.
-
Kung isinagawa ang biopsy, maaaring bigyan ka ng manipis na pad upang isuot kung sakaling dumugo. Maaari kang makakita ng dugo sa iyong ihi, semilya, o dumi nang isang araw o higit pa. Ito ay normal. Maaari kang magkaroon ng kaunting kawalang-ginhawa sa loob ng ilang araw. Maaaring mas malala ito kapag umuupo.
Pagkatapos ng pagsusuri
Makipag-usap sa iyong tagapangalaa tungkol sa kung paano at kailan mo makukuha ang iyong mga resulta ng pagsusuri at kung ano ang susunod na mangyayari.